Janine Berdin, ibinahagi ang plano matapos manalo sa 'Tawag'

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 01:23 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Sa kabila ng tagumpay, ipagpapatuloy ni Janine Berdin, grand champion ng season 2 ng "Tawag ng Tanghalan," ang kanyang pag-aaral.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, ibinahagi ni Janine ang planong lumipat sa Maynila para ipagpatuloy ang pag-aaral at pag-awit.

"Siyempre po hindi ko po papabayaan ang studies ko at plano ko pa rin po na ituloy. Incoming Grade 11 student po kasi ako. Ipagpapatuloy ko po dito sa Maynila, magta-transfer po ako," ani Janine ng Cebu.

"Siguro po iba-balance ko po kasi both po important sa akin," sagot naman ni Janine sa tanong kung ano na ang kanyang prayoridad.
 
Limang taon noong nagsimula ang hilig sa pag-awit ni Janine na suportado ng kanyang mga magulang na sina Jose at Salem Berdin na kasama ring bumisita sa "Magandang Buhay."

Pero bago ang tagumpay sa "Tawag ng Tanghalan," aminado ang ina ni Janine na may pagkakataong sinabihan ang anak na huwag na sumali sa auditions dahil sa naapektuhan siya sa mga hindi magagandang naririnig tungkol sa anak.

"Tuwing makarinig ako ng negative comments ay naiiyak ako. Naaawa ako at saka pagalitan ko siya minsan. Sabi ko huwag ka na ngang mag-audition, huwag ka nang kumanta kasi ako ang naapektuhan kapag iiyak siya," kuwento ni mommy Salem.

Samantala, naging emosyonal naman si Janine sa sulat ng kanyang Lolo Rey, asawa ng kanyang Lola Odet na isa sa dahilan kung bakit siya sumali sa "Tawag ng Tanghalan."

"I hope Lo and La na proud kayo sa akin and matutulungan ko na kayo. Thank you sa inyong efforts na ginawa ninyo para sa akin ever since bata ako. Sana ay mabalik ko lahat ng efforts niyo sa akin," ani Janine sa salitang Bisaya.

Nagpatuloy naman ang pagiging emosyonal ni Janine, sa naging mensahe ng kanyang ina at ama. 

Para sa mga magulang ni Janine, nais lang nila na ipagpatuloy ng anak ang maganda nitong ginagawa lalo na ang kanyang pag-aaral.

Pasasalamat naman ang ibinigay ni Janine para sa pagmamahal at suporta ng kanyang mga magulang.

"Gusto ko lang mag-thank you sa inyo Ma, Pa, dahil alam ko hindi ako perfect na anak. And marami akong maling nagawa sa inyo. Gusto kong sabihin sa inyo na lahat ng ginagawa ko ay para maging proud kayo. Thank you sa inyo. I love you," ani Janine habang walang patid sa pagluha.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.