Mga guro, tumatawid ng 3 ilog para makapagturo

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 09:56 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi biro ang sakripisyo ng tatlong guro ng isang liblib na paaralan sa Barangay Alacaak sa bayan ng Santa Cruz, Occidental Mindoro.

Tatlong ilog kasi ang kanilang tinatawid kada araw para makapagturo sa mga bata ng katutubong pangkat na Iraya.

"May mga panahon, lalo at sobrang lakas ng bagyo, nagiging isang ilog na sila kaya nahihirapan kaming tumawid," sabi ni Kenn Lester Diamante, isa sa mga guro.

Sa video na ipinadala ni Diamante, mapapanood silang mga guro ng Alacaak na magkahawak-kamay habang tumatawid sa hanggang baywang na rumaragasang ilog.

Kasabay rin ng mga guro ang kanilang mga estudyante sa pagtawid sa ilog.

Nagtutulungan sila sa pagbuhat ng mga kagamitan sa paaralan.

Matapos tawirin ang ilog, kalahating oras pa ang lakaran sa maputik at mabatong daan.

Para kay Diamante, advocacy at hindi trabaho ang tingin nila sa kanilang ginagawa. 

Saludo rin sila kay Lori Jane Panganiban, na nag-iisang babaeng guro na kanilang kasama.

Matapos i-post ni Diamante ang video nila sa social media, umani sila ng papuri sa mga netizen.

Naniniwala naman si Diamante na gaano man kahirap ang kanilang pinagdadaanan, sulit naman lalo at para ito sa pag-aaral at magandang kinabukasan ng mga kabataan. --Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.