Pulis na sangkot umano sa droga patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 10:32 AM

MANDAUE, Cebu - Patay ang isang pulis na sangkot umano sa ilegal na droga matapos manlaban umano sa mga kasamahang nagtangkang bitagin siya sa lungsod na ito, Linggo.

Kinilala ang suspek na si Senior Insp. Raymond Hortezuela, na una nang inakusahang protektor ng napaslang na drug lord na si Jeffrey "Jaguar" Diaz. Kabilang din siya sa mga target ng Philippine Drug Enforcement Agency, ayon pulisya.

Nagtangka umano ang mga operatiba na makabili ng droga mula kay Hortezuela habang lulan ito ng kaniyang sasakyan sa Barangay Tipolo. Pero bumunot umano ng baril ang suspek, kaya inunahan siyang barilin ng mga awtoridad.

Nakuha sa crime scene ang 75 pakete ng hinihinalang shabu, ilang baril, at isang sling bag na may P68,000.

Dating naka-destino si Hortezuela sa Cebu City pero na-transfer kamakailan sa Negros Oriental. Nagserbisyo siya sa pulisya nang 12 taon.

May ulat nina Donna Lavares at June Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.