Pinay sa Saudi, binuhusan ng kumukulong tubig

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 12:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

DAMMAM, Saudi Arabia – Lapnos ang likod ng isang 24-anyos na household service worker matapos na buhusan ng kumukulong tubig ng kaniyang among babae noong Hulyo 30.

Ayon kay Jeilyn Tumalip Gavanes, nagalit umano ang amo niya nang tumawag sa agency sa Al Khobar ang kaniyang asawa na nagsasabing hindi pa natatanggap ang sahod niya.

“Nagpunta po ako sa kusina nagpupunas po ako ng plato. Akala ko magkakape ang amo ko nag-pakulo ng tubig. Bigla na lang po akong binuhusan ng tubig sa likod,” kwento ni Gavanes

Tubong Abra at may tatlong anak si Gavanes. Hindi umano siya dinala agad ng kaniyang amo sa ospital at uminom na lamang siya ng pain reliever.

Agosto 2 na ng gabi o pagkatapos ng dalawang araw, dinala si Gavanes ng amo niya sa emergency room ng Dammam Medical Tower dahil nilalagnat na siya.

Pinagbantaan pa siya ng kaniyang amo na huwag magsumbong dahil ipakukulong daw siya kung gagawin niya ito.

“Nung dalhin po ako dito sa hospital, sabi po sa akin na ‘pag sinabi ko raw na ginawa nila sa akin ‘to, binuhusan ako at saka sinasaktan ako, ipapakulong daw po ako ng 10 taon dito. Pero ‘pag sinabi ko raw po na ginawa ko sa sarili ko, papauwiin daw ako sa Pilipinas,” sabi niya.

Dagdag pa ni Gavanes, dalawang buwan na raw siyang nagtatabraho sa kaniyang amo at dalawang beses na rin siyang nasuntok sa ulo nito kapag nangangatwiran siya.

Naipaabot sa Philippine Overseas Labor Office-Eastern Region Office (POLO-ERO) ang nangyari kay Gavanes sa tulong ng Filipino community sa Dammam.

“Sana matutukan ng ang kaso ng ating kabayan at makuha ang kaniyang benepisyo at makauwi siya agad para makapiling ang pamilya niya sa ating bansa,” sabi ni Gamaliel Gonzales, isang Filipino community leader sa Dammam.

Ayon sa POLO-ERO, magsasampa sila ng criminal case sa amo ni Gavanes at sisiguraduhin nila na makakamit niya ang hustisya. Sa ngayon, nagpapagaling si Gavanes sa shelter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.